Naranasan nyo na ba ang alikabok ng Sand Storm sa disyerto ng Middle East o sa bahagi ng Africa? Ang init ng araw habang naglalakad ka papunta sa jobsite? Ang kakaibang klema ng kapaligiran na di natin kinagisnan? Bilang isang OFW walang summer o winter o sandstorm para sumabak sa trabaho sa araw-araw dahil sa bawat sandali sa abroad ay mahalaga at di mo kailangang tumambay dahil bawat oras dito at pawis na ilalabas ng katawan mo ay Dolyar ang kapalit. Ganito sa abroad bago sumikat ang araw sa umaga ay dapat nakaligo kana dahil ilang minuto lang pagkatapos ng almusal ay sasabak na sa trabaho at kadalasan mahaba ang oras sa trabaho kaysa sa pahinga. Pagpasok mo ng alas singko o alas sais ng umaga ay madalas Alas Otso pa ng gabi ang labas sa trabaho at ang iba minsan ay umaabot pa ng alas Dyes ng gabi dahil iniisip ng maraming OFW sayang din ang overtime dahil karagdagan remittances din ito para sa Pilipinas at kahit pagod na pagod na sige parin dahil sayang ang Dolyar, sabi nga nating mga Pinoy masamang tumanggi sa grasya at basta kaya pa ng katawan sige lang kayod kalabaw dahil sa Dolyar. Ikain mo lang ng maraming kanin at nilagang baka na kadalasang inihahain ng mga Catering Services sa mga konstraksyon worker ay pawi na ang maghapong pagod sa trabaho at pagkatapos kumain ay isang stick ng yosi bago tuluyang matulog ay sapat na para maibasan ang maghapong pagbilad sa ilalim ng araw. Masarap na mahirap ang pagiging OFW. Masarap dahil paunti-unti posibleng matupad mo ang pinapangarap mo para sa iyong Pamilya una na dyan ay makapag-aral sa magandang eskwelahan at mabigyan ng sapat na kaalaman ang iyong mga anak. At pagkakameron ng maayos, malinis at maipagmamalaking tahanan. At ang maganda pa ay kung masinop ang taong hahawak ng dolyar mong ipinapadala ay maaari ka pang makapag negosyo pagkatapos mong maging OFW dahil kahit ako ayaw kong tumanda sa abroad kaya ngayon palang hangat bata pa at malakas pa ang tuhod ay todo ipon din para makapag pundar ng negosyo. At ang mahirap naman sa pagiging isang OFW ay malayo sa Bayang pinagmulan, gustuhin mo mang mayakap ang pinakamamahal mong asawa at mga anak ay wala sila sa tuwing uuwi ka ng bahay at maswerte nalang kung may unlimited wi-fi sa iyong accomodation at pede mong matawagan sa skype at makita sa webcam ang iyong pamilya pero kong wala dagdag homesick pa ito at gastos din dahil obligado ka pa na bumili ng load sa mobile phone para madalas kang makatawag sa Pilipinas. Nakakaboring din sa abroad lalo na kong kain, trabaho, bahay lang umiikot ang buhay mo sa buong panahon ng pananatili mo dito. Sa karanasan ko sa abroad naka landbase ako sa AFRICA and for safety reason maraming pagkakataon na di kami pinalalabas ng aming Kompanya para lumuwas ng Village para makapamili ng food o kahit ano na magustuhan namin sa kadahilanan na maraming cases na di magandang ginagawa ng mga local people para sa tulad kong foreigner at marami ng kaso ang ganito na aking nasaksihan, at para sa kaayusan ng lahat standby lang kaming mga OFW sa accomodation dahil ito ang advice ng aming Administration. At sa buong kontrata ko bihira akong makapunta ng bayan at mabibilang lang sa daliri ang araw at petsa ng akoy makapunta ng Village o Town proper. Tayong mga Pinoy masayahin, mahirap man tayo o mayaman ay di nawawala sa pang araw-araw nating buhay ang entertainment. Mahilig tayong maglibang pagkatapos ng maghapong trabaho para mawala ang stress, at kung may pera tayo di natin maiwasang mag shopping ng bagay na magustuhan natin lalo na kong itoy gadget o damit. Pero sa lugar na napuntahan ko dito sa AFRICA wala akong napapaglibangan maliban nalang sa loptop ko at swerte rin kung makasagap ako ng Free Wi-fi connection pero kong wala ay magtiis sa paulit-ulit na pilikula ni Bea Alonso at Jhon Lyod Cruz na nasa hard drive ko na madalas kong panuorin sa oras na wlang ginagawa at sa paulit-ulit na panunuod ay kabisado ko na yata ang mga dialog sa pilikulang ito.! Ganito ang buhay karanasan ng mga OFW dito sa Africa na isa ako sa mga nakakaranas. Pero sa kabila ng hirap, lungkot, pagod at stress sa trabaho, at kahit nagkakasakit din minsan, kasabay pa dyan ang pabago-bagong panahon lalo na pagsapit ng taglamig at ang alikabok ng sandstorm mula sa disyerto ng Sahara na kulay kalawang ang paligid na posibleng sakit sa baga kapag nalanghap mo ito, at kasabay din nyan ang araw-araw na pagkain ng karneng baka na madalas sa isang Lingo ay hindi maganda sa kalusugan dahil sa bad kolesterol nito sa ating katawan. Ilan lang ito sa mga tipikal na nararanasan ng isang OFW na ang trabaho ay sa Konstraksyon at kahit anong hirap ay pilit titiisin dahil sa DOLYAR. At kahit maalikabok, mainit, malamig, walang halaman o puno na nasisilungan at kahit langit at lupa lang ang makikita mo sa maghapon at paglubog ng araw sa Disyerto ay maliwanag naman ito na pagdating ng ika labing lima at katapusan ng Buwan ay DOLYAR para sa ating Pamilya sa Pilipinas.
Posted:
Lakbay Lansangan