Monday, December 31, 2012

Pinoy Tradisyon sa pagpasok ng Bagong Taon

Karamihan sa ating mga Pilipino ay naniniwala sa mga pamahiin o kasabihan. Tulad ngayon papasok na naman ang bagong taon, at nandyan na naman ang mga Feng Shui expert na maraming dalang paala-ala at prediction para sa ating magiging kapalaran sa pagpasok ng new year. Ilan sa mga pinaniniwalaan nating mga Pilipino sa pagsalubong ng bagong taon ay ang pamimili ng prutas na bilog, pagsusuot ng mga damit na may larawang bilog o polka dots na tinatawag, at paglalagay ng mga barya sa mga bulsa at pagluluto ng mga pagkaing malalagkit, at nandyan din ang paglalagay ng mga perang papel at barya sa bawat baytang ng mga hagdanan ng ating mga tahanan. At ang isa pang pinaniniwalaan ng lahat ay ang pagsisindi ng paputok na pinaniniwaalang nagtataboy ng mga masasamang ispirito sa ating tahanan at pagtataboy ng kamalasan sa ating buhay. Ilan lang ito sa mga paniniwala natin mga Pilipino na dapat gawin tuwing sasapit ang new year at umaasa tayo sa pagsapit bagong taon ay limpak na limpak na swerte ang aakyat sa ating tahanan. At ako man ay naniniwala sa ganitong mga kasabihan at wala namang mawawala kung ating susundin. Pero paalala lang po wag rin po nating i-aasa sa mga Feng Shui lang ang ating swerte sa buhay lalo na sa pag pasok ng 2013, at kahit maganda ang nasasalamin ng mga Feng Shui expert sa ating kapalaran sa darating na taon na year of the water snake ay wag lang tayong maghintay o umasa dahil kasabay ng maganda prediction sa ating kapalaran ay dapat sabayan din natin ng pagsusumikap at pagkakameron ng pananalig sa Diyos at ito ang tunay na swerte na pede nating makamtan kung lagi nating gagawin sa buong buhay natin at hindi sa tuwing papasok lang ang bagong taon. Tandaan po natin na itoy pedeng gabay lang sa ating pang-araw-araw na buhay at mahalaga parin ang magsipag para sa  katuparan ng mga pangarap ng bawat isa sa atin.

Posted: Lakbay Lansangan

Sunday, December 30, 2012

Rizal Day

Huling national holiday ng taon dito sa atin sa Pilipinas pagkatapos ng Christmas ay ang Dec. 30 dahil ito ang araw ng kamatayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Binaril siya sa Bagong Bayan (Luneta Park) noong Dec. 30, 1896 dahil sa pakikipaglaban nya sa sa ating mga karapatan sa mga mapang-aping dayuhan, at dahil doon ay naging tinik si Rizal sa layunin ng pamahalaang kastila sa ating bansa kaya minarapat nilang ipapatay si Rizal, at ngayon siyay ating National Hero dahil sa kanyang mga ginawang magaganda at di mapaparisang pagmamahal sa ating bansa. Isa sa mga aklat na isinulat ni Rizal ay ang Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo at ang mga nilalaman nito ay ang paglalarawan sa buhay at klase ng pamumuno ng mga kastila sa ating bayan kasama na dyan  ang mga pang-aapi at di makataong trato sa mga Pilipino. Lumipas ang mahabang panahon simula ng siyay barilin at sa ngayon ay patuloy pa rin nating pinag-aaralan ang buhay ni Rizal sa mga eskwelahan upang ipaala-ala sa atin ang kabayanihan at magaganda niyang aral para sa mga kabataan at sa darating pang henerasyon.
Ngayong taon po ika 116th death anniversary ng ating National Hero na si Dr. Jose Rizal. Sa tagal ng panahon na siya'y R.I.P. naisip ko sapat na ba na gunitain lang natin ang kanyang magagadang nagawa? sapat naba na basahin natin ang kanyang mga aklat at pag-aralan ang kanyang naging buhay noong siyay nabubuhay pa? May nagbago ba sa Pilipinas pagkatapos siyang barilin? Siguro may nabago nga naging National Hero siya at nakilala sa buong mundo ang kanyang kagitingan at katalinuhan. Kaya mas maganda siguro gayahin natin si Rizal wag lang puro pag-ala-ala lang sa kanyang mga magagandang ginawa noong panahon nya. Dapat gawin din ng bawat Pilipino ang mga kabutihan na ginawa nya para sa ating bayan. Sabi nga ni Rizal "Nasa Kabataan ang Pag-asa ng Bayan" kung nasa kabataan nga ang pag-asa ng bayan dapat panindigan nating mga magulang na wag maligaw ng landas ang ating mga anak sa hinaharap dahil sa ngayon talamak ang mga sindikato ng droga sa ating bansa na patuloy parin sa pag manufacture ng ipinagbabawal na gamot at isa sa mga mahal natin sa buhay o tayo ang isa sa maging target market ng produktong ito. Pero simple lang sana para matapos na ang ganitong sakit ng ating lipunang gingalawan. Maging mahigpit sana ang ating batas pagdating sa ganitong mga kaso.. IBALIK ANG BITAY. Dahil si Rizal nga hinatulan ng kamatayan dahil sa pakikipaglaban nya sa ating mga karapatan at pagmamahal sa ating lahi at bansa. Kaya panahon na para hatulan din ng nararapat na kaparusahan ang mga sisira sa ating kinabukasan na ipinaglaban ni Rizal.

Posted: Lakbay Lansangan

Saturday, December 29, 2012

Salubong 2013

Masaya ang salubong sa bagong taon ng mga Pilipino taon-taon. Kaya naman after ng christmas celebration ay naka plano na sa bawat tahanan ang mga ihahanda para sa Media Noche ng pamilya. Pero karamihan sa ating mga Pilipino ay hindi sapat ang pagsalo-salo  ng pamilya sa Media Noche, dahil hindi kompleto pag wala ang paputok. Nakasanayan na nating mga Pilipino na salubungin ang bagong taon na may paputok na sinisindihan dahil naniniwala tayo na ito'y nagtataboy ng malas sa ating buhay. Maingay man at nagdudulot ito ng pulusyon sa ating kapaligiran ay posibleng sanhi din ng ating pagkakasakit, at di ito pansin ng karamihan sa atin. Nakuha daw nating mga Pinoy sa mga Chino ang ganitong tradisyon na sa tuwing sasapit ang new year ay pagsalubong sa pamamagitan ng pagpapaputok dahil sa paniniwalang magtataboy ito ng mga kamalasan sa ating buhay at kapalit ng di magagandang nangyari sa nakalipas na taon ay  siyang paniniwalang pagpasok ng swerte at bagong pag-asa sa ating lahat. Pero sa kabila ng ating mga paniniwalang ganito ay siya namang paghihigpit ng ating kapulisan sa mga ilegal na gumagawa at nagtitinda ng mga paputok dahil may pailan-ilan pa rin na nakakalusot dito. Sa ngayong sasapit na naman ang bagong taon at puspusan na naman ang paala-ala ng DOH at sa halip daw na magpaputok ay mag torotot na lamang at magsayaw ng gangnamstyle.
Saludo ako sa DOH sa kanilang mga kampanya para maibsan ang mga naaaksidente taon-taon dahil sa mga paputok. Pero simple lang sana kung talagang ayaw nila na may masugatan o maaksidente ipagbawal na sana ng pamahalan o bawiin na ng ating pamahalaan ang mga permit na issue sa mga manufacturer nito ng sa gayun sure na walang mapuputukan! Ganon lang naman ka-simple kaya lang di pede dahil sayang ang tax na binabayad din nila sa ating pamahalaan kaya final option ng DOH ay magbigay nalang ng paalala na wag magpaputok at sa halip ay gumamit nalang ng torotot at mag sayaw ng gangnamstyle...Imagine mo kung magsasayaw tayong lahat ng Gangnamstyle at iwas paputok ay siguradong lugi ang mga nagtitinda ng paputok. Kaya lets dance nalang sa pagsalubong ng bagong taon..Iwas disgrasya na environment friendly pa at bawas bad cholesterol pa sa ating katawan ang tutulong pawis sa bawat sayaw ng gangnamstyle. Para po sa lahat..MALIGAYA AT LIGTAS NA BAGONG TAON PO SA INYONG LAHAT. Welcome 2013

Posted: Lakbay lansangan 

Wednesday, December 26, 2012

Christmas is Over

Christmas is Over. Tapos na ang napakasayang simbang gabi, tapos na ang pakikipagsik-sikan sa mga tiange, malls at maging sa mga palengke na napakahirap mamili dahil sa dami ng tao. Talagang patunay lang sa isang bansang katoliko tulad ng Pilipinas ay higit na pinaghahandaan taon-taon ang araw ng pasko dahil ito ang kapanganakan ng ating Panginoong Hesukristo. At maging ako man ay isa sa mga nakipag-siksikan sa mga palengke para mamili ng mga inihanda sa Noche Buena. At sa ngayon tapos na ang Christmas  at kahit marami pa ring Pilipino na walang trabaho, maliit man ang  kinikita, hinagupit man ng bagyo at karamihan ay nawalan ng tirahan at kabuhayang pang-agrikultura, at ang iba naman ay nasunugan sa araw mismo ng kapaskuhan, at ang iba naman ay hiwalay sa pamilya tulad ng mga kababayan nating nasa ibang bansa na OFW ay hindi hadlang para di natin mairaos ang kapaskuhan. Dahil ang Christmas ay pag-alaala din sa ating panginoong Hesukristo dahil sa kanyang kabutihang loob at pagtubos ng ating mga kasalanan. Kaya kong ano man ang kalamidad o mga pagsubok sa ating buhay. May naihain man o wala sa nakalipas na Noche Buena ay wala paring dahilan para di natin salubungin ang kapaskuhan  ng may ngiti at puno ng pangarap at pag-asa na sana sa pagsapit ng bagong umaga ay mayroong bagong biyaya na ipagkakaloob sa atin. At hirap man tayo ngayon sa buhay ay wag tayong mawalan ng pag-asa at sa halip ay gawin natin itong inspirasyon para sa katuparan ng ating minimithing tagumpay. Para po sa lahat ng mga Pinoy! MABUHAY po tayong lahat at salubungin po natin ang 2013 ng may ngiti at positibong pag-asa na ito na ang simula ng bago nating buhay para sa tagumpay.

Posted: Lakbay Lansangan

Friday, December 21, 2012

Pili Lake

Isa rin ang Pili lake na narating ko sa aking pag lalakwatsa. Malaki ang lake na ito na matatagpuan sa Brgy. Pili, Mogpog, Mdque.  Malinis ang tubig, maraming wild bird, maraming punongkahoy at mga wild plants, at nasa paanan siya ng bundok at medyo mahirap siyang mapansin kong di mo sasadyain na puntahan. Hindi siya nakakatakot kung sakaling may bagyo o malakas na pag-ulan dahil di siya aapaw para makapag create ng malaking baha. Ang lake na ito'y medyo lubog at napapaligiran pa ng matataas na bundok at bangin at mabato ang paligid at umulan man ay hindi magdudulot ng aberya sa mga naninirahan dito. Nakakatuwang tingnan ang mga ganitong klase ng paligid lalo na kong itoy bahagi ng kalikasan na pedeng mapagkunan ng ika-bubuhay sa araw-araw. Kaya lang napansin ko sa haba ng panahon at sa dami ng naninirahan dito ay wala silang livelihood projects sa lake na ito para pagkakitaan o gawing agri-business. Sa pagkakaalam ko ang ating pamahalaan ay tumutulong sa mga gustong mag negosyo lalo na kong itoy sa agrikultura. Ang isa sa pedeng gawing negosyo dito ay ang pagtatayo ng palaisdaan at dahil ito'y tubig tabang o fresh water at pede dito ang bangus at tilapya. Sayang ang laki ng lake na sanay pinakikinabangan ng lokal na mamamayan. Sabi nga natin sa probinsya daw magsipag kalang ay di mo kakailanganin ang pera madalas. Dahil nandito ang tunay na likas yaman ng ating kapaligiran di tulad sa syudad na magulo na! ay puro pulosyon pa.
 

Wednesday, December 19, 2012

Bus Segregation Scheme sa EDSA

 Ito ang BUS-A. Ito lang ang mga lugar sa kahabaan ng EDSA na pedeng magbaba ng pasahero at magsakay. Ito ang makikita natin sa mga unahan ng BUS na pumapasada sa EDSA may mga letrang sticker na nakadikit sa kanilang unahan. Ito ang bagong programa ng MMDA para mabawasan ang matinding trapik sa kahabaan ng EDSA, at ako man ay isa rin sa mga naiinis sa tuwing maiipit sa trapik na halos usad pagong. Para sakin maganda ang ipinatupad ng MMDA na bus segregation scheme  dahil dito unti-unti ng mababawasan ang trapik sa kahabaan ng EDSA. Sa ngayon marami pang nalilito lalo na ang mga pasahero dahil sa kalulunsad palang nito ay di maiwasang may mainis at magreklamo, pero sa-una lang naman ito at sa huli ay masasanay narin ang mga pasahero dahil kaayusan ang benipisyo nito sa mga motorista at maging sa mga pasahero dahil iwas trapik at tipid pa sa gas at di na kailangang maipit sa trapik ang mga pasahero lalo na sa mga rush hour. Sa programang ito ng MMDA ay madali rin mapapansin ang mga kolorum na pampasaherong bus na dumadaan sa EDSA. Sana maging kapaki-pakinabang ang bus segregation scheme na ito sa mga susunod pang mga araw, buwan at taon na lilipas at wag maging ningas kogon lang sila. At para naman sa mga driver SUV man o PUV maging patuloy po tayong maging disipinado sa ating mga lansangan ng sa gayon laging iwas aberya. Sumunod po tayo ng maayos sa batas trapiko dahil tayo rin ang unang apektado sa oras na tayo'y lumabag dito.

Posted: Lakbay Lansangan

Bahay sa Liblib

Simple, maliit, at halintulad sa bahay kubo ang tahanang ito na yari sa kawayan at dahon ng niyog. Isa ito sa mga nakita kong bahay sa lalawigan ng Marinduque sa aking pagbisita ng tatlong araw. Nakakatuwang pagmasdan dahil sa sariwang hangin at sa dami ng halaman at punong kahoy sa paligid  ay siyang nagbibigay lilim at lamig ng klema at sariwang simoy ng hangin na iyong malalanghap. Ang ganitong tahanan ay na napakasimple at napakalayo ng desenyo sa mga bahay sa syudad ng kamaynilaan. Kung sa syudad ay konkretong tahanan at bato ang ating makikita ay ganito naman ang mga tahanan sa liblib na lugar ng mga probinsya na malayo sa kabihasnan. Simple rin ang pamumuhay nila dito, ang  pagtatanim at pagkokopras ng niyog ang pangunahing produktong pinagkakakitaan ng lalawigan. Sabi nga nila sa probinsya daw ay magtanim kalang at maging masipag ay di mo kakailanganin madalas ang pera dahil sa lawak ng lupain na pedeng taniman ng gulay at palay ay sapat na para di na mangibang bayan dahil sa agrikultura ng probinsya ay sapat na rin para mapagkunan ng kabuhayan sa araw-araw.
 

Remembering Christmas

Nakakamis ang kamusmusan sa tuwing sasapit ang Pasko. Naalala ko tuloy ang pangangaroling, at pagtangap ng mga regalo sa mga Ninong at Ninang. At pagsabit ng medyas sa bintana bago mag Noche Buena dahil sa paniniwalang dadaan si Santa Claus na may dalang mga laruang regalo at maglalagay sa medyas kong isinabit. At sa pagising ko sa umaga ay dali-dali kong titingnan ito at totoo nga na dumaan si Santa dahil sa regalo na nakuha ko sa loob ng medyas. Ito ang mga nakakatuwang karanasan ko sa tuwing sasapit ang kapaskuhan noong akoy musmos pa lamang. Ang sarap alalahanin ang pagiging bata, siguro dahil ramdam na ramdam ko ang pasko at masayang ipagdiwang dahil narin sa mga inihahandang pagkain ni Inay at Itay, at mga regalong galing kay Ninong at Ninang at gayun din sa mga Tita at Tito. At nakakamis din ang simbang gabi na kasama ko si Inay na hawak-hawak ako sa kamay dahil sa kakulitan ko ay baka mawala ako sa kanyang paningin kaya kong hawakan ako'y  halos itali sa kanyang beywang. Ito lang mga karanasan ko noong paslit palang ako sa tuwing sasapit ang kapaskuhan, masaya at nakakatuwang alalahanin dahil ilang tulog nalang ay sasapit na ang pasko. At isa sa mga napakahalagang holiday sa ating bansa at sa isang kristyano-katoliko ang christmas celebration.
 

Thursday, December 6, 2012

New Bataan, Compostela Valley (Iniwan ni Pablo)

Isa na namang matinding kalamidad ang dinaranas sa kasalukuyan ng ating Bansa at ito ang iniwan ng bagyong Pablo sa Katimugang bahagi ng Pilipinas at isa sa mga probinsya na may malaking pinsala ay ang New Bataan, Compostela Valley. Wasak ang mga kabahayan at milyong kabuhayan sa agrikultura ang sinalanta ng bagyong ito at kasabay ng pagkawasak ng kabuhayan at mga inprastraktura ay siya ring pagtaas ng bilang ng mga namatay at umabot na ito sa tatlong daan mahigit. At ito ang pinakamasakit para sa mga kaanak ng mga namatay. Nakakalungkot isipin ang mga trahedyang ganito na dulot ng kalikasan ay pede nating ikamatay o ng ating mga mahal sa buhay sa isang iglap lamang. Pero ayun sa report isa daw sanhi ng malakihang pagbaha at landslide ay ang mga small scale mining o yong mga mamamayan na patuloy parin sa pagmimina kahit na ito'y ipinagbabawal na ng lokal na pamahalaan. At ang isa pa daw ay ang mga ilegal na pagputol ng mga kahoy sa kabundukan at ang nakakagulat pa dito ay may mga pulitiko daw na sangkot dito.! Totoo kaya ang mga report na ito.!? Pero para sakin di na bago ang ganitong mga balita lalo na ang ganitong trahedya, di na tayo nadadala sa bagsik at higanti ng kalikasan. Sabi nga natin basurang itinapon mo sa di tamang tapunan ay babalik sayo. At ang kahoy na pinutol mo ay siyang papatay sayo. At tulad ng nangyari sa Compostela Valley mga malalaking kahoy na galing sa kabundukan na inanod ng baha papunta sa kapatagan na siyang humambalos sa mga kabahayan at sanhi din ng pagkawala ng maraming buhay. Tandaan natin ang kalikasan ay di tulad ng tao na pede tayong humingi ng tawad sa oras na tayo'y magkamali. Dahil ang kalikasan kapag sinira  ng sino man ay tiyak matindi ang balik para sa lumapastangan dito at maging sa kahuli-hulihan nating lahi ay posibleng madamay pa sa kalamidad na pedeng mangyari kong patuloy na mangyayari ang ilegal pag mimina at pamumutol ng kahoy sa kabundukan. Sanay maging bagong paala-ala at mag-silbing babala para sa ating lahat ang trahedyang iniwan ni Pablo.

Posted: Lakbay Lansangan