Sunday, March 31, 2013

Street Child

Simula ng manirahan ako ng Maynila ay madalas na akong makakita ng ganitong mga pagkakataon lalo na sa ating mga lansangan. Mga batang namamalimos sa kalye, mga pulubing Ina na hawak-hawak ang kanyang mga anak habang nakaupo sa gilid ng sidewalk kung saan maraming mga tao na dumaraan, at ito'y pagkakataon nila na mahulugan ng kunting biyaya galing sa may mabuting kalooban. Malaking tulong sa kanila ang kunting biyayang maihuhulog mula sa mga dumaraan sa loob ng maghapon, pera man ito o pagkain walang dahilan para di nila tangapin at ipagpasalamat. Kung pagmamasdan mo ang hitsura nila, gusgusin at napakarumi ay mahahabag ka at di ka magdadalawang isip na silay hulugan ng kunting barya. Dati noong una hindi ako nagbibigay ng limos sa kanila dahil parang tinotolerate ko lang sila sa kanilang ginagawa, at isa pa ito ay labag sa ating batas. Pero lumipas ang panahon nagka-asawa ako at nagkaanak at sa kabila ng hirap ng buhay ay masasabi kong masaya pa rin ako dahil nagiging inspirasyon ko sa pang-araw-araw ang aking asawa at mga anak. Napaisip ako na sa murang edad ng mga batang namamalimos ay di ko maiwsang isipin ang kalagayan nila kumpara sa mga anak ko. Kahit mahirap ang buhay namin at masasabi kong sapat lang ang kinikita ko, ay malaking blessing na pala ito, at dapat maging kuntento ako at magpasalamat sa bawat biyaya na aking natatangap. Maswerte pa pala ako dahil naibibili ko ng maayos na damit, tsinelas, ang aking mga anak at nakakakain sila ng tatlong beses sa isang araw, kumpara sa mga batang lansangan na kailangan pa nilang mamalimos at mag makaawa para lang maitawid ang maghapon na walang kasiguraduhang mailalaman sa kumakalam na sikmura.

Posted: Lakbay Lansangan

Saturday, March 30, 2013

KAMERA

Nagtatravel ako everyday papasok sa work, at saan man ako mapunta ay di kompleto ang araw ko pag wala ang aking Kamera, para sa akin ito lang ang nagiisa kong gamit maliban sa mobile phone ay lagi ko rin dinadala. Simpleng kamera lang ang meron ako at di rin mamahalin pero ok na sakin ang mga features nito, maliit lang at komportableng dalhin at pede kong ilagay sa bulsa kung ayaw kong magbitbit. Maraming mga bagay sa paligid ko na madalas kong nakikita at maganda man ito o hindi sa aking paningin ay may pagkakataon na kinukunan ko ito ng larawan at isa sa mga dahilan ko ay maging inspirasyon sa akin at maiaplay ko sa aking pangaraw-araw na buhay lalo na kong nauukol ito sa aking lifestyle. Simula ng mag-abroad ako nakahiligan ko ang pagkukuha ng larawan sa mga bagay-bagay sa aking paligid lalo na sa nature. Naging madalas ko ng libangan ito at lahat ng nakikita kong kakaiba ay binibigyan ko ng pansin, at bilang pag-appreciate sa pamamagitan man lang ng pagkuha ng larawan ay ma-express ko ang pagpuri o paghanga sa mga bagay o mga pangyayari sa aking paligid. Hindi man ako masasabing Photographer ay masarap din sa pakiramdam na makuhanan ng larawan ang mga pambihirang pagkakataon o mga pangyayari na minsan ay gawa ng Kalikasan o tao, at minsan din ay ng ibang mga nilikha tulad ng mga hayop, at tulad din natin na may partisipasyon sa mundo na ating ginagalawan. 

Posted: Lakbay Lansangan

Thursday, March 28, 2013

Semana Santa 2013

Ang mahal na araw o holyweek ay isa din sa napakahalagang holiday sa ating mga Pilipino, dahil bilang isang katolikong bansa ay panahon ito ng pagnilay-nilay at pagtitika. Ito rin ay pag-alala sa sakripisyo ng ating Panginoong Hesukristo upang tubusin ang ating mga kasalanan. Naaalala ko noong bata pa ako tuwing mahal na araw sa aming probinsya tuwing luluwas kami ng bayan kasama ang aking Ina, ay nakakakita ako ng taong nagpapasan ng Krus at habang naglalakad sa init ng araw ay sabay hampas ng latigo sa kanyang likuran ng mga taong sumusunod sa kanya, at isa ito sa paraan ng kanilang pag-penetensya. Ang iba naman ay nagpapahiwa ng maliliit sa likod ng katawan upang bahagyang umagos ang dugo, at ito ay may bilang na mahigit isang daang hiwa. Naglalakad sila habang may talukbong ng damit ang ulo at mukha at mata lang ang iyong makikita, at sa bawat hakbang ay walang tigil ang kanilang paghampas sa kanilang likuran upang patuloy nilang maramdaman ang sakit, at sa bawat sakit na kanilang mararamdaman ay nakakaramdam sila ng kaginhawahan sa kanilang kalooban, dahil paraan siguro nila ito, to communicate to God for the forgiveness of thier sins. Marami ang gumagawa ng ganitong penetensya dahil tradisyon na ito sa ating bansa tuwing holyweek.At sa ganitong paraan daw ay nababawasan ang kanilang mga kasalanan at ang karamihan man ay hindi sang ayun dito, ay mas dapat nating unawain sila dahil ito ang kanilang paniniwala na posibleng ikagaan ng kanilang kalooban. paraan din nila ito para alalahanin ang pagpapakasakit na ginawa ni Hesukristo habang siya'y naghirap sa pagpasan ng mabigat ng krus at sa huli ay ipinako din siya dito. Bilang isang katoliko mahalagang gunitain ang mahal na araw dahil ito ay panahon na pag-alala sa mga pasakit ng ating panginoon, at sa ano mang paraan natin ito ginugunita as long as nagsisisi tayo sa ating mga nagawang kasalanan ay granted ito para sa ating Panginoon. Ano man ang ating nasasaksihan sa ibat-ibang lugar ng kapuluan ng ating bansa tuwing lenten season tulad ng pagpapako sa Krus ng ilan nating kababayan at itoy masasasaksihan somewhere in Pampanga at sa iba pang kapuluan, at ang orihinal naman na Moriones Festival sa lalawigan ng Marinduque na isa sa mga prestigious at kinikilalang festival ng bansa dahil ang tema nito ay ang pagpapakahirap ni Hesu Kristo bago siya ipako sa Krus ay ilan lang sa mga patunay na buhay ang ating paniniwala at pagmamahal sa Panginoong Hesu Kristo. At mas higit nating ipagmalaki ang ang ganitong mga festival at tradisyunal na pagpenetensya tuwing holyweek, dahil patunay lang na buhay na buhay ang ating pananampalataya sa panginoon. At para po sa inyong lahat mula po sa Lakbay Lansangan...Binabati ko po kayo ng Happy Holyweek..at mabuhay po kayo .

Posted: Lakbay Lansangan

Monday, March 25, 2013

Mapera ba o Mayaman ang mga OFW?

Mabilis lumipas ang panahon at nakatapos ako ng koleheyo , nakapagtrabaho at sa kalaunan ay nakabuo ng pamilya. At sa liit ng basic wages natin ay hindi sapat para sa pamilya na may dalawang supling na binubuhay. Nagdecide ako na mag abroad masakit man sa loob ko ay iniwan ko ang aking asawa at dalawang maliliit na anak. Kapalit ng lungkot at pagaalala ay kaginhawahan sa aking pamilya ang iniisip kong maaring kapalit ng aking paglisan. Sa kasalukuyan nandito ako sa Middle East, at ngayon muli sumagi sa aking isipan ang katanungan na Mapera ba o Mayaman ang mga OFW? Ito ang expectation ng ating mga kamag-anak at kaibigan na pansamantala nating naiwan sa Pilipinas. Mga katanungan na minsan  ay sumagi din sa aking isip sa murang edad ko noon, palibhasa ako’y isang estudyante pa lamang ay nakatatak na sa aking isipan na mayaman ka kong ang padre de pamilya mo ay isang OFW o ang Nanay mo ay isang Nurse, Caregiver o Domestic helper sa abroad.  Ngunit sa sitwasyon ko ngayon masasabi kong OO mayaman kaming  mga OFW . Mayaman sa pangungulila sa pamilya, mayaman sa stress sa trabaho, mayaman sa alikabok na aming nalalanghap sa gitna ng disyerto tuwing malakas ang hangin, at mayaman kami sa posibleng pagkakasakit dahil puro trabaho mula umaga hangang gabi, at pagtulog lang ang masasabi kong oras ng pagrelaks. At pagdating naman sa pagkain mahirap makaiwas sa mga ma-cholesterol na pagkain, at ito ay provide ng inyong kompanya. Isa na dito beef at chicken at maswerte nalang kung may isda, dahil kadalasan dito ay karne at limited lang ang gulay at kong di ka makakaiwas baka tumaas ang bad cholesterol sa katawan mo, at maging sanhi ng heart disease or highblood. Mayaman din kami sa ngiti o smile dahil sa tuwing makikita nyo ang aming larawan sa facebook na sama-samang naka smile at ang iba ay naka peace finger pa, at ang iisipan ng nasa Pilipinas ay ma-pera na at sobrang saya ng buhay sa abroad. Kung alam lang  nila na ito lang ang paraan para mapansin nyo kami  sa kabila ng hirap at lungkot at pangungulila sa aming pamilyang naiwan sa Pilipinas. Isang like nyo lang sa aming larawan o post man lang ng kumusta na kayo dyan, ay nababawasan ang pagod at homsik namin. At ang isa pang masaklap na mayaman ang OFW ay sa pangangaliwa ng ilang mga asawa na naiwan sa Pilipinas, at dahil sa ganitong mga kaso ay masasabi ko na posibleng maging katapusan ito ng magandang buhay na pinangarap ng sino mang OFW para sa kanyang pamilya, at sa huli ang mga anak ang mas higit na apektado lalo na kong silay maliliit pa. Sa Totoo lang pangkaraniwan pa rin kaming mga OFW, hindi kami mayaman sa pananalapi umalis kami ng Pilipinas hindi lang dahil sa maliit ang kinikita kundi dahil sa kawalan ng regular na trabaho sa ating bansa. Dahil dito sa atin contractualization ang trabaho, makalipas ang limang buwan end of contract kana sa kompanya na iyong pinapasukan, at ito ang isang dahilan kung kaya marami pa rin ang di makahanap-hanap ng permanenteng trabaho sa ating bansa at meron man ay mas higit pa rin na marami ang unemployment. At isa ito sa mga dahilan kung bakit maraming nangingibang bansa, dahil doon ay maraming job vacancy at mas higit na maraming trabaho ang available kumpara dito sa ating bansa.

Posted: Lakbay Lansangan

Thursday, March 14, 2013

Karanasan ko sa Saudi (Babae Sa Grocery)

Nagpunta ako sa pinakamalapit na Mall dito sa aking pinagtatrabahuhan dahil kelangan ko ng bumili ng Simcard. At pagkatapos kong bumili ay agad ko itong nilagay sa aking mobile para i-activate ng matawagan ko agad ang kasama kong driver, at ilang sandali lang ay nakatawag agad ako sa kanya at sa di ko inaasahan ay matatagalan pa daw siya dahil may dadaanan pang ibang lugar maliban kung saan nya ako ibinaba.  Dahil medyo mahaba-haba pa ang oras na aking hihintayin ay naisip kong pumunta sa grocery para bumili ng prutas,  at nagmadali akong pumunta dito na nasa loob din ng mall. Pagpasok ko dito agad kong nakita ang fruit section, at sa unang bungad ko parang naakit ako sa lemon fruits, at akoy kumuha ng limang piraso at nilagay ko sa plastic kasama ang price tag na 4.95 SAR,  at pumunta na ako sa  cashier para pumila at magbayad. Sa unahan ko may isang babaeng nakasuot ng saya na kulay  itim o abaya ang tawag dito at nakatalukbong din, at halos mata lang nya ang walang takip ng aking sulyapan. At habang ako ay nasa likod nya na nakapila din sa counter para magbayad,  ay sa di ko inaasahan nagtangal ng talukbong  ang babae at nalaman ko na siya ay isang Pinay at kinausap pa nya ako at sinabi nya sa akin “ Kabayan mauna kana kase isang item lang naman ang binibili mo sabay ngiti sa akin”. Nagpasalamat ako sa kanya at natuwa din ako dahil di na  ako maghihintay ng matagal at lumipat agad ako sa unahan nya. Maganda siyang babae, maputi at katamtaman ang taas at maamo ang mukha. Marami siyang grocery na bibilhin at napansin ko maraming mabibigat  na items tulad ng bigas at sabon na naka sako ang kanyang bubuhatin para ipatong  sa ibabaw ng counter. Gusto ko siyang kausapin at tulungan sa pagbuhat ng kanyang grocery dahil wala siyang kasama sa pamimili at isa pa kababayan ko naman, at gagawin ko na sana pero sumagi agad sa isip ko na nasa Saudi pala ako at wala sa sariling bansa. Unang turo sa PDOS kung Saudi ang distination mo bawal makipagusap sa babae at bawal ding tulungan lalo na sa mga public place dahil ipinagbabawal ito ng kanilang batas at kung mapatunayan na nilabag mo ito ay posibleng hulihin ang sino man ng mga motawa o mga civilian police dahil bawal dito ang pakikipag communicate sa babae lalo na sa mga pampublikong lugar, maliban nalang kung kayo’y mag-asawa at may katunayan na legal na dokumento. Ganito kahigpit ang batas dito para sa kanila at sa mga foreigner na tulad ko, at obligado na sumunod ang bawat isa lalo na ang mga dayuhan at ito ay pagrespeto sa kanilang batas at paniniwala. Sa mga oras na iyon, umalis nalang ako at iniwan ko siya pero sumulyap muli ako sa kanya bilang pasasalamat at nakokonsensya man ako na di siya tulungan ay sana alam nya rin na nag-iingat lang ako para sa aberya na pede kong kaharapin . Sa ating mga Pinoy likas na ang matulungin sa mga kababaihan lalo na pagdating sa mga sitwasyong pagbubuhat ng mabigat at itoy madalas nating ginagawa, kaya lang dito sa Saudi na bansang muslim ay di pede ang pagiging gentle nating  mga pinoy pagdating sa mga babae, dahil ito ay may malisya para sa kanila. At para iwas aberya kelangang kong sumunod sa batas bilang pagbibigay respeto, at bilang isang dayuhan ay nararapat kong ipakita na marunong akong makisama at makibagay sa kanilang kultura at paniniwala. At para po sa lahat ng OFW na first timer palang dito sa Saudi magisip po muna tayo ng maigi bago tayo gumawa ng mabuti sa ibang tao dahil di natin alam baka ito ay labag sa kanilang batas at paniniwala. Tandaan po natin maraming namamatay sa maling akala...!


Saturday, March 2, 2013

Mga Nasagap Kong Kwento sa Middle East

Pangatlong pagkakataon kong makapag-abroad at dito ako pinadpad sa MIDDLE EAST ng aking kapalaran para muling makapag trabaho. Matagal-tagal na rin akong OFW, at sabi nila bilang isang OFW dapat  daw matikman ko rin ang buhay Middle East, dahil dito daw kakaiba sa lahat kaysa sa ibang mga bansang Muslim. Mahigpit ang batas dito at kung makapatay ka ng tao dahil sa pagtatanggol mo sa iyong sarili ay posibleng buhay mo rin sa huli ang maging kapalit,  at kung may pambayad ka naman ito’y tinatawag na (Blood Money) ibig sabihin may kalakihang halaga. Bawal ding magnakaw dahil puputulan ka ng kamay o braso pag napatunayan kang guilty. Sabi nga nila kung ano ang iyong kinuha ay siya rin dapat ang kapalit at ganyan ang panuntunan ng batas dito na mahigpit na babala para sa magbabalak gumawa ng masama. Naka blocked dito ang mga pornographic website sa internet at walang sino man ang pwedeng mag-unlock. Bawal din dito ang alak pero legal dito ang sigarilyo at sino man ay pedeng manigarilyo. Bawal din dito mag-usap ang babae at lalake lalo na sa pampublikong lugar maliban na lang kung kayo ay legal na mag asawa at may katunayan na married certificate mula sa inyong bansang pinagmulan. May mga kwento-kwento rin na mas napapagsamantalahan pa daw dito ang mga lalake lalo na kung ikaw ay maputi, walang bigote at balbas! ewan ko lang kung totoo ang mga inpormasyong ito ng ilan nating mga kababayan. At may mga holdaper na rin daw dito kaya ingat lang sa pagsakay ng taxi dapat alerto rin lagi. Ang mga nanghoholdap dito ay ibang mga lahi at hindi mga local at sa higpit ng batas dito ay nakakagawa parin sila ng krimen tulad ng panghoholdap, marahil sanay na silang gumawa ng masama dahil siguro  sa laki ng disyerto ng dito, at walang trapik  sa mga kalsada ay madaling naisasagawa ang krimen na tulad ng panghoholdap sa mga foreigner din na tulad ko. May mga ilan ding nagsasabi na spoiled brat daw ang mga bata dito lalo na ang mga teenager, minsan sila pa ang dapat mong katakutan pag nasa pampublikong lugar ka, dahil foreigner ka dapat sila lagi ang priority sa lahat ng pagkakataon.  At kung luluwas ng bayan para mamasyal o mag shopping dapat naka-pantalon, close shoes, at naka-t-shirt bilang pag respeto sa kanila dahil napaka-konserbatibo ng bansang ito at maging ang mga babae dito ay may talukbong at halos dina rin makita ang mukha . Ang mga pulis dito ay walang baril, at ang tanging bitbit lang ay batuta. Ang may baril lang dito ay ang mga airport police at mga military, at sa downtown naman maraming naka civilian na police o ang tinatawag na Motawa, sila ay  di mo makikilala ng basta-basta  at kung may gagawin kang  masama o labag sa batas ay maari ka nilang mahuli kaagad-agad  dahil di mo sila mapapansin sa kanilang pangkaraniwang civilian attire. Ilan lang ito sa mga narinig kong mga kwento-kwento ng ating mga kababayan na matagal na rin dito. Pero gaano pa man kahigpit ang batas dito at bilang isang OFW wala naman tayong dapat ikatakot dahil nagpunta tayo dito para mag trabaho at binigyan tayo ng bansang ito ng working visa, it means tinatangap nila tayo ng walang pag-aalinlangan at binigyan nila tayo kalayaan na maipakita sa kanila na tayo’y kapakipakinabang at hindi magiging pasaway o maging enemy of the state. At bilang isang OFW na nandito sa Middle East, goodluck ang masasabi ko para sa aking sarili and I want to enjoy my stay. At para naman sa mga kasamahan kong OFW basta isipin lagi natin na nandito tayo  para sa trabaho at kumita ng dolyar and dont forget “faith in God all the time”...! at Mabuhay po tayong Lahat