Thursday, March 14, 2013

Karanasan ko sa Saudi (Babae Sa Grocery)

Nagpunta ako sa pinakamalapit na Mall dito sa aking pinagtatrabahuhan dahil kelangan ko ng bumili ng Simcard. At pagkatapos kong bumili ay agad ko itong nilagay sa aking mobile para i-activate ng matawagan ko agad ang kasama kong driver, at ilang sandali lang ay nakatawag agad ako sa kanya at sa di ko inaasahan ay matatagalan pa daw siya dahil may dadaanan pang ibang lugar maliban kung saan nya ako ibinaba.  Dahil medyo mahaba-haba pa ang oras na aking hihintayin ay naisip kong pumunta sa grocery para bumili ng prutas,  at nagmadali akong pumunta dito na nasa loob din ng mall. Pagpasok ko dito agad kong nakita ang fruit section, at sa unang bungad ko parang naakit ako sa lemon fruits, at akoy kumuha ng limang piraso at nilagay ko sa plastic kasama ang price tag na 4.95 SAR,  at pumunta na ako sa  cashier para pumila at magbayad. Sa unahan ko may isang babaeng nakasuot ng saya na kulay  itim o abaya ang tawag dito at nakatalukbong din, at halos mata lang nya ang walang takip ng aking sulyapan. At habang ako ay nasa likod nya na nakapila din sa counter para magbayad,  ay sa di ko inaasahan nagtangal ng talukbong  ang babae at nalaman ko na siya ay isang Pinay at kinausap pa nya ako at sinabi nya sa akin “ Kabayan mauna kana kase isang item lang naman ang binibili mo sabay ngiti sa akin”. Nagpasalamat ako sa kanya at natuwa din ako dahil di na  ako maghihintay ng matagal at lumipat agad ako sa unahan nya. Maganda siyang babae, maputi at katamtaman ang taas at maamo ang mukha. Marami siyang grocery na bibilhin at napansin ko maraming mabibigat  na items tulad ng bigas at sabon na naka sako ang kanyang bubuhatin para ipatong  sa ibabaw ng counter. Gusto ko siyang kausapin at tulungan sa pagbuhat ng kanyang grocery dahil wala siyang kasama sa pamimili at isa pa kababayan ko naman, at gagawin ko na sana pero sumagi agad sa isip ko na nasa Saudi pala ako at wala sa sariling bansa. Unang turo sa PDOS kung Saudi ang distination mo bawal makipagusap sa babae at bawal ding tulungan lalo na sa mga public place dahil ipinagbabawal ito ng kanilang batas at kung mapatunayan na nilabag mo ito ay posibleng hulihin ang sino man ng mga motawa o mga civilian police dahil bawal dito ang pakikipag communicate sa babae lalo na sa mga pampublikong lugar, maliban nalang kung kayo’y mag-asawa at may katunayan na legal na dokumento. Ganito kahigpit ang batas dito para sa kanila at sa mga foreigner na tulad ko, at obligado na sumunod ang bawat isa lalo na ang mga dayuhan at ito ay pagrespeto sa kanilang batas at paniniwala. Sa mga oras na iyon, umalis nalang ako at iniwan ko siya pero sumulyap muli ako sa kanya bilang pasasalamat at nakokonsensya man ako na di siya tulungan ay sana alam nya rin na nag-iingat lang ako para sa aberya na pede kong kaharapin . Sa ating mga Pinoy likas na ang matulungin sa mga kababaihan lalo na pagdating sa mga sitwasyong pagbubuhat ng mabigat at itoy madalas nating ginagawa, kaya lang dito sa Saudi na bansang muslim ay di pede ang pagiging gentle nating  mga pinoy pagdating sa mga babae, dahil ito ay may malisya para sa kanila. At para iwas aberya kelangang kong sumunod sa batas bilang pagbibigay respeto, at bilang isang dayuhan ay nararapat kong ipakita na marunong akong makisama at makibagay sa kanilang kultura at paniniwala. At para po sa lahat ng OFW na first timer palang dito sa Saudi magisip po muna tayo ng maigi bago tayo gumawa ng mabuti sa ibang tao dahil di natin alam baka ito ay labag sa kanilang batas at paniniwala. Tandaan po natin maraming namamatay sa maling akala...!


No comments:

Post a Comment