Simula ng manirahan ako ng Maynila ay madalas na akong makakita ng ganitong mga pagkakataon lalo na sa ating mga lansangan. Mga batang namamalimos sa kalye, mga pulubing Ina na hawak-hawak ang kanyang mga anak habang nakaupo sa gilid ng sidewalk kung saan maraming mga tao na dumaraan, at ito'y pagkakataon nila na mahulugan ng kunting biyaya galing sa may mabuting kalooban. Malaking tulong sa kanila ang kunting biyayang maihuhulog mula sa mga dumaraan sa loob ng maghapon, pera man ito o pagkain walang dahilan para di nila tangapin at ipagpasalamat. Kung pagmamasdan mo ang hitsura nila, gusgusin at napakarumi ay mahahabag ka at di ka magdadalawang isip na silay hulugan ng kunting barya. Dati noong una hindi ako nagbibigay ng limos sa kanila dahil parang tinotolerate ko lang sila sa kanilang ginagawa, at isa pa ito ay labag sa ating batas. Pero lumipas ang panahon nagka-asawa ako at nagkaanak at sa kabila ng hirap ng buhay ay masasabi kong masaya pa rin ako dahil nagiging inspirasyon ko sa pang-araw-araw ang aking asawa at mga anak. Napaisip ako na sa murang edad ng mga batang namamalimos ay di ko maiwsang isipin ang kalagayan nila kumpara sa mga anak ko. Kahit mahirap ang buhay namin at masasabi kong sapat lang ang kinikita ko, ay malaking blessing na pala ito, at dapat maging kuntento ako at magpasalamat sa bawat biyaya na aking natatangap. Maswerte pa pala ako dahil naibibili ko ng maayos na damit, tsinelas, ang aking mga anak at nakakakain sila ng tatlong beses sa isang araw, kumpara sa mga batang lansangan na kailangan pa nilang mamalimos at mag makaawa para lang maitawid ang maghapon na walang kasiguraduhang mailalaman sa kumakalam na sikmura.
Posted: Lakbay Lansangan
No comments:
Post a Comment