Natutuwa ako sa tuwing may darating na typhoon, dahil magkikita-kita na naman kami sa evacuation center ng aking mga kalaro at don kami maglalaro ng habulan, tawanan at kung ano-ano pang kalokohan. First time kong maligo sa beach at nagdala ako ng tabo at sabon at tandang-tanda ko pa ang dala kong sabon "super wheel" sabon na baretang panlaba noong dekada 80 hangang early 90's. Tuwing breaktime kinakain ko ang aking baon sa taas ng puno ng sinegwelas malapit sa aming school ewan ko ba kung bakit kelangan ko pang umakyat ng puno para kumain ng aking baon! wirdu talaga. Minsan nagtanim ako ng Cortal Medicine sa pagaakala kong tutubo ito na parang buto ng halaman at tatlong araw ko pa itong diniligan. Mahilig akong kumain ng Zeb-Zeb at Pompoms na tsitserya at pinapalobo ko ang plastic nito para iputok sa aking ulo. Mahilig akong gumawa ng sarangola pero di ko pinapalipad gusto ko lang itong nakikita na nakasabit sa likod ng aming bahay. Sinunog ko minsan ang dingding ng bahay ng lola ko dahil gusto kong malaman kong ito'y magliliyab o hindi. Tuwing nakikinig kami ng radyo pilit kong tinatangal ang takip sa likod upang hanapin ang taong nagsasalita. Mahilig akong manghuli ng ibon sa paltik at sa bitag at sa tuwing mahuhuli ko ito ginugupitan ko ng bahagya ang pakpak para mababa ang kanilang lipad sabay pakakawalan ko at aking hahabulin. Namimitas ako ng mga bulaklak na madadaanan ko pauwi galing sa school at itoy sisip-sipin ko sa pagaakalang itoy may katas na matamis. Tumalon ako sa isang malalim na ilog sa pagaakalang kaya ko ring lumangoy at sa kamalasan naranasan kong malunod buti nalang nasagip ako ng aking mga kababata. Naglalaro ako ng trompo pero mas gusto ko siyang ibato sa tubig kaysa sa lupa dahil natututwa ako sa mala-ipo-ipo na tubig na create ng pagikot ng trompo. Sumasama ako sa nanay ko sa bayan para tumikim lang ng sorbetes at ice candy maliban don wala ng iba pa. Naranasan kong magpabunot ng ngipin sa edad na limang taon pero masakit pala at nagalit ako sa dentista sinigawan ko ito at binantaang susuntukin at nagwala ako sa loob ng clinic kaya tuloy dalawang nurse at nanay ko kinapitan ako ng mahigpit kaya lang sa sobrang pagpupumiglas ko di rin natuloy ang pagbunot sa ngipin ko. Nilalagay ko ang aking Teks Card na laruan sa ilalim ng aking unan sa pagtulog sa pagaakalang madadagdagan sa paggising sa umaga. Nagsasabit ako ng medyas sa aming bintana kahit tapos na ang pasko sa pagaakalang dadaan ulit si Santa Claus para maglagay ng regalo sa aking pagtulog sa gabi. Takot akong magpapicture dahil sa pagaakalang may makikita akong multo sa tabi ng aking larawan sa pag develop ng negative nito. Natatakot ako sa mga matatanda na may dalang sako na dumadaan sa may bahay namin sa araw-araw dahil sa pagakakala kong isisilid ako sa sako at ibebenta sa Maynila at ilalagay sa mga ginagawang tulay. Ilan lang ito sa aking mga naaalalang ka wirduhan noong musmos pa lang ako.
Posted: Lakbay Lansangan