Friday, December 21, 2012

Pili Lake

Isa rin ang Pili lake na narating ko sa aking pag lalakwatsa. Malaki ang lake na ito na matatagpuan sa Brgy. Pili, Mogpog, Mdque.  Malinis ang tubig, maraming wild bird, maraming punongkahoy at mga wild plants, at nasa paanan siya ng bundok at medyo mahirap siyang mapansin kong di mo sasadyain na puntahan. Hindi siya nakakatakot kung sakaling may bagyo o malakas na pag-ulan dahil di siya aapaw para makapag create ng malaking baha. Ang lake na ito'y medyo lubog at napapaligiran pa ng matataas na bundok at bangin at mabato ang paligid at umulan man ay hindi magdudulot ng aberya sa mga naninirahan dito. Nakakatuwang tingnan ang mga ganitong klase ng paligid lalo na kong itoy bahagi ng kalikasan na pedeng mapagkunan ng ika-bubuhay sa araw-araw. Kaya lang napansin ko sa haba ng panahon at sa dami ng naninirahan dito ay wala silang livelihood projects sa lake na ito para pagkakitaan o gawing agri-business. Sa pagkakaalam ko ang ating pamahalaan ay tumutulong sa mga gustong mag negosyo lalo na kong itoy sa agrikultura. Ang isa sa pedeng gawing negosyo dito ay ang pagtatayo ng palaisdaan at dahil ito'y tubig tabang o fresh water at pede dito ang bangus at tilapya. Sayang ang laki ng lake na sanay pinakikinabangan ng lokal na mamamayan. Sabi nga natin sa probinsya daw magsipag kalang ay di mo kakailanganin ang pera madalas. Dahil nandito ang tunay na likas yaman ng ating kapaligiran di tulad sa syudad na magulo na! ay puro pulosyon pa.
 

Wednesday, December 19, 2012

Bus Segregation Scheme sa EDSA

 Ito ang BUS-A. Ito lang ang mga lugar sa kahabaan ng EDSA na pedeng magbaba ng pasahero at magsakay. Ito ang makikita natin sa mga unahan ng BUS na pumapasada sa EDSA may mga letrang sticker na nakadikit sa kanilang unahan. Ito ang bagong programa ng MMDA para mabawasan ang matinding trapik sa kahabaan ng EDSA, at ako man ay isa rin sa mga naiinis sa tuwing maiipit sa trapik na halos usad pagong. Para sakin maganda ang ipinatupad ng MMDA na bus segregation scheme  dahil dito unti-unti ng mababawasan ang trapik sa kahabaan ng EDSA. Sa ngayon marami pang nalilito lalo na ang mga pasahero dahil sa kalulunsad palang nito ay di maiwasang may mainis at magreklamo, pero sa-una lang naman ito at sa huli ay masasanay narin ang mga pasahero dahil kaayusan ang benipisyo nito sa mga motorista at maging sa mga pasahero dahil iwas trapik at tipid pa sa gas at di na kailangang maipit sa trapik ang mga pasahero lalo na sa mga rush hour. Sa programang ito ng MMDA ay madali rin mapapansin ang mga kolorum na pampasaherong bus na dumadaan sa EDSA. Sana maging kapaki-pakinabang ang bus segregation scheme na ito sa mga susunod pang mga araw, buwan at taon na lilipas at wag maging ningas kogon lang sila. At para naman sa mga driver SUV man o PUV maging patuloy po tayong maging disipinado sa ating mga lansangan ng sa gayon laging iwas aberya. Sumunod po tayo ng maayos sa batas trapiko dahil tayo rin ang unang apektado sa oras na tayo'y lumabag dito.

Posted: Lakbay Lansangan

Bahay sa Liblib

Simple, maliit, at halintulad sa bahay kubo ang tahanang ito na yari sa kawayan at dahon ng niyog. Isa ito sa mga nakita kong bahay sa lalawigan ng Marinduque sa aking pagbisita ng tatlong araw. Nakakatuwang pagmasdan dahil sa sariwang hangin at sa dami ng halaman at punong kahoy sa paligid  ay siyang nagbibigay lilim at lamig ng klema at sariwang simoy ng hangin na iyong malalanghap. Ang ganitong tahanan ay na napakasimple at napakalayo ng desenyo sa mga bahay sa syudad ng kamaynilaan. Kung sa syudad ay konkretong tahanan at bato ang ating makikita ay ganito naman ang mga tahanan sa liblib na lugar ng mga probinsya na malayo sa kabihasnan. Simple rin ang pamumuhay nila dito, ang  pagtatanim at pagkokopras ng niyog ang pangunahing produktong pinagkakakitaan ng lalawigan. Sabi nga nila sa probinsya daw ay magtanim kalang at maging masipag ay di mo kakailanganin madalas ang pera dahil sa lawak ng lupain na pedeng taniman ng gulay at palay ay sapat na para di na mangibang bayan dahil sa agrikultura ng probinsya ay sapat na rin para mapagkunan ng kabuhayan sa araw-araw.
 

Remembering Christmas

Nakakamis ang kamusmusan sa tuwing sasapit ang Pasko. Naalala ko tuloy ang pangangaroling, at pagtangap ng mga regalo sa mga Ninong at Ninang. At pagsabit ng medyas sa bintana bago mag Noche Buena dahil sa paniniwalang dadaan si Santa Claus na may dalang mga laruang regalo at maglalagay sa medyas kong isinabit. At sa pagising ko sa umaga ay dali-dali kong titingnan ito at totoo nga na dumaan si Santa dahil sa regalo na nakuha ko sa loob ng medyas. Ito ang mga nakakatuwang karanasan ko sa tuwing sasapit ang kapaskuhan noong akoy musmos pa lamang. Ang sarap alalahanin ang pagiging bata, siguro dahil ramdam na ramdam ko ang pasko at masayang ipagdiwang dahil narin sa mga inihahandang pagkain ni Inay at Itay, at mga regalong galing kay Ninong at Ninang at gayun din sa mga Tita at Tito. At nakakamis din ang simbang gabi na kasama ko si Inay na hawak-hawak ako sa kamay dahil sa kakulitan ko ay baka mawala ako sa kanyang paningin kaya kong hawakan ako'y  halos itali sa kanyang beywang. Ito lang mga karanasan ko noong paslit palang ako sa tuwing sasapit ang kapaskuhan, masaya at nakakatuwang alalahanin dahil ilang tulog nalang ay sasapit na ang pasko. At isa sa mga napakahalagang holiday sa ating bansa at sa isang kristyano-katoliko ang christmas celebration.
 

Thursday, December 6, 2012

New Bataan, Compostela Valley (Iniwan ni Pablo)

Isa na namang matinding kalamidad ang dinaranas sa kasalukuyan ng ating Bansa at ito ang iniwan ng bagyong Pablo sa Katimugang bahagi ng Pilipinas at isa sa mga probinsya na may malaking pinsala ay ang New Bataan, Compostela Valley. Wasak ang mga kabahayan at milyong kabuhayan sa agrikultura ang sinalanta ng bagyong ito at kasabay ng pagkawasak ng kabuhayan at mga inprastraktura ay siya ring pagtaas ng bilang ng mga namatay at umabot na ito sa tatlong daan mahigit. At ito ang pinakamasakit para sa mga kaanak ng mga namatay. Nakakalungkot isipin ang mga trahedyang ganito na dulot ng kalikasan ay pede nating ikamatay o ng ating mga mahal sa buhay sa isang iglap lamang. Pero ayun sa report isa daw sanhi ng malakihang pagbaha at landslide ay ang mga small scale mining o yong mga mamamayan na patuloy parin sa pagmimina kahit na ito'y ipinagbabawal na ng lokal na pamahalaan. At ang isa pa daw ay ang mga ilegal na pagputol ng mga kahoy sa kabundukan at ang nakakagulat pa dito ay may mga pulitiko daw na sangkot dito.! Totoo kaya ang mga report na ito.!? Pero para sakin di na bago ang ganitong mga balita lalo na ang ganitong trahedya, di na tayo nadadala sa bagsik at higanti ng kalikasan. Sabi nga natin basurang itinapon mo sa di tamang tapunan ay babalik sayo. At ang kahoy na pinutol mo ay siyang papatay sayo. At tulad ng nangyari sa Compostela Valley mga malalaking kahoy na galing sa kabundukan na inanod ng baha papunta sa kapatagan na siyang humambalos sa mga kabahayan at sanhi din ng pagkawala ng maraming buhay. Tandaan natin ang kalikasan ay di tulad ng tao na pede tayong humingi ng tawad sa oras na tayo'y magkamali. Dahil ang kalikasan kapag sinira  ng sino man ay tiyak matindi ang balik para sa lumapastangan dito at maging sa kahuli-hulihan nating lahi ay posibleng madamay pa sa kalamidad na pedeng mangyari kong patuloy na mangyayari ang ilegal pag mimina at pamumutol ng kahoy sa kabundukan. Sanay maging bagong paala-ala at mag-silbing babala para sa ating lahat ang trahedyang iniwan ni Pablo.

Posted: Lakbay Lansangan